CEBU CITY – Napag-usapan na ng mga alkalde mula sa lalawigan ng Cebu na ipapatupad ang transition mula enhanced community quarantine (ECQ) pababa sa general community quarantine (GCQ) sa Mayo 20.
Ito’y matapos na nakipagkita si Cebu Governor Gwendolyn Garcia sa mga mayor upang pag-usapan ang mga hakbang at mga patakaran lalo na at mararanansan ng mga Cebuano ang “new normal” na pamumuhay.
Pinag-usapan sa naturang meeting kahapon ang ipapatupad na mga patakaran mula sa transportasyon, pag-operate ng mga establisimento at dagdag pang mga health protocols.
Sinabi naman ni Garcia na panahon na upang mag-move on upang unti-unting makabangon ang probinsya mula nang bumagsak ang ekonomiya nang dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Pinanindigan naman ng gobernadora na nagmula ang kanyang mga desisyon sa nakalap na mga datos mula sa isinagawang contact tracing sa mga nahawaan ng virus.