-- Advertisements --

Patuloy na nagkakasa ng imbestigasyo at beripikasyon ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa posibilidad na hindi lamang sa Taal Lake maaaring itinapon at inilibing ang nga labi ng higit sa 100 mga nawawalang sabungero.

Ayon kay PNP Chief PGen. Nicolas Torre III, sumasailalim pa sa beripikasyon ang impormasyon na may ilan umanong nagsasabi na sinunog ang ilang sabungero habang ang ilan naman ay hinihinalang ibinaon sa lupa.

Ayon pa sa hepe maaaring hindi lang sa Taal Lake ang ginamit na disposal site para sa mga bangkay ng mga sabungero at may mga partikular na silang lugar na sinisiyasat na maaaring pinaglalagakan ng iba pang mga sabungero.

Tumanggi naman ang hepe na banggitin ang mga lugar na kanilang ginagawan ng beripikasyon para matiyak na hindi mabuburilyaso at mabubutasan ang kanilang mga ginagawang imbestigasyon at paghahanap ng mga sapat na ebidensya na susuporta pa at magpapatotoo sa mga pahayag ni alyas ‘Totoy’.

Malaki din kasi ang posibilidad na mayroong mga personalidad na maaapektuhan sa kanilang ginagawang imbestigasyon na maaaring maging sanhi para mapigilan ang kanilang pagkalap ng impormasyon at imbestigasyon.

Bagamat aminado ang hepe na magiging mahirap ang paghahanap sa mga katawan ng mga sabungero ay tiniyak pa rin ni Torre na ginagawa na ng Pambansang Pulisya ang kanilang makakayaa para masigurong malalaglag sa kuko ng batas at mapapanagot ang mga nasa likod ng krimen.