Maganda umano ang takbo unang tatlong linggo ng training ni Sen. Manny Pacquiao para sa nakatakda nitong laban kay WBA “super” welterweight champion Keith Thurman sa buwan ng Hulyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay head coach Buboy Fernandez, itinaas na raw nila sa anim ang sparring rounds ng “Fighting Senator” at binabalak nila itong itaas sa walo bago sila tumulak pa-Estados Unidos sa Sabado.

Pagdating naman aniya nila sa US ay doon na nila isasagawa ang mas matindi at krusyal na yugto ng build up program ni Pacquiao.

Kasabay nito, patuloy nilang pinag-aaralan ang galaw ni Thurman sa ibabaw ng ring at hindi nila ito mamaliitin kahit na medyo nangalawang ang American boxer sa naging laban nito noong Enero.

“Sa ngayon, bale nag-sparring na tayo ng anim na round, so dalawang beses na,” wika ni Fernandez. “Then continue lang kami sa pag-eensayo araw-araw. Kailangan nating pag-aralang mabuti ang kalaban natin kasi hindi rin basta-basta ang kalaban natin.”

Nitong Lunes, maliban sa sparring, ipinakita ng eight-division world champion ang pagiging agresibo sa halos walang humpay na pagsuntok sa heavy bag, double-end bag at speed ball.