-- Advertisements --

Sinusugan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagsasapubliko sa deliberasyon ng pambansang pondo para sa 2026.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, mahalagang mabigyan ang publiko maging ang mga opisyal nang pagkakataon para mabantayan ang mga pagbabago sa National Expenditure Program (NEP) o panukalang pondo.

Magbibigay daan din aniya ito para malaman ng publiko ang mga prayoridad ng Kongreso at matiyak ang transparency kung paano ginagastos ng gobyerno ang pera ng mga nagbabayad ng buwis.

Ginawa ng kalihim ang pahayag kasunod ng sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na sang-ayon siyang buksan ang bicameral budget deliberations sa publiko, bagay na sinegundahan din ng ilang Senador.

Matatandaan, inaprubahan ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na pinamumunuan ni Sec. Pangandaman, ang P6.793 trillion na panukalang pondo para sa susunod na taon, na 7.4% na mas mataas kumpara sa alokasyong pondo na P6.326 trillion ngayong 2025.