Clark stadium Capas Sea Games SEAG
World class New Clark City Athletics Stadium (photo by Bombo Bam Orpilla)

VIGAN CITY – Nagsimula na ang isang linggong seminar-training para sa mga national technical officials sa larangan ng athletics bilang paghahanda sa isasagawang 30th Southeast Asian (SEA) Games sa susunod na buwan.

Isa sa mga mapalad na napiling national technical official ang taga-Ilocos Sur na si Ronel Ubaldo na principal ng Salomague Elementary School sa bayan ng Cabugao na tatlong sunod-sunod na taon nang nagsisilbing technical official sa Palarong Pambansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Ubaldo, sinabi nito na sa ikalawang araw ng kanilang seminar-training para sa mga national technical officials sa larangan ng athletics na aabot sa 50, mayroon na silang kaniya-kaniyang grupo.

Aniya, mayroon nang naatasan na maging roll caller, line umpire, time keeper at iba pa na siyang magiging aktuwal na trabaho nila para sa darating na biennial meet.

Bagama’t kinakabahan umano si Ubaldo, tiniyak nito na gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang magampanan ng maayos ang naibigay sa kaniyang responsibilidad.