CAUAYAN CITY – Pansamantalang tumigil sa pag-tutor ang ilang Pinoy na private tutors sa South Korea dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Anna Mae Gallo, tubong South Cotabato at isang OFW sa South Korea, sinabi niya na dahil sa pangamba ng mga magulang ng kanilang mga tinuturuan ay pinatigil na muna sila.

Dahil dito ay nangangamba na rin sila dahil pati ang kanilang sahod ay made-delay.

Aniya, magtatagal ito ng isang buwan hanggang dalawang buwan.

Sa ngayon ay nakitira na rin siya pansamantala sa kanyang kaibigan dahil wala na siyang pambayad sa kanyang tinitirhan.

Labis na rin ang pag-aalala ng kanyang pamilya subalit wala naman siyang magawa dahil wala naman siyang gagamitin para umuwi.

Sa ngayon ay tanging dasal na lamang ang kanilang kinakapitan.

Ayon pa kay Gallo, simula noong Pebrero 22 ay nahihirapan na silang lumabas dahil sa takot na mahawa sa nasabing sakit.

Aniya, sa Ulsan City kung saan sila nakatira ngayon ay 11 na ang infected.