-- Advertisements --

Nakahanda ang Department of Science and Technology (DOST) na ipahiram ang kanilang marine equipment para marekober ang umano’y mga labi ng nawawalang sabungeros sa Taal Lake.

Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., makikipag-ugnayan sila sa ibang mga siyentista na mayroong mga kagamitan o instrumento na maaaring magamit dito dahil mayroong mga kagamitang pandagat na pinondohan ng DOST para sa marine monitoring.

Titignan din ang kondisyon ng lake kung kakayanin ito ng mga instrumentong mayroon ang ahensiya.

Nakikita naman ng kalihim na malaking hamon na maaaring harapin sa pagrekober ng posibleng mga labi ng mga missing sabungeros ay ang espisipikong lokasyon sa Taal Lake kung saan maaaring itinapon ang mga ito.

Sinabi din ng DOST chief sa isang pulong balitaan ngayong Sabado na may posibilidad na marekober pa mula sa Lake ang mga buto sakali mang doon talaga itinapon ang mga labi dahil hindi aniya ito nade-decompose o naagnas kundi tanging ang laman lamang.

Paliwanag pa ng opisyal na nakadepende sa lokasyon sa lake ang decomposition rate ng labi kung saan kapag wala na aniyang oxygen matitigil ang decomposition nito at maprepreserba na.

Inirekomenda din ng kalihim na maaaring gumamit ng camera para hanapin ang mga labi sa halip na magpadala ng mga diver para suyurin ang ilalim ng lake.

Ginawa ng DOST chief ang pahayag matapos ang rebelasyon ng whistleblower at isa sa akusado sa kaso ng missing sabungeros na si Julie “Dondon” Patidongan alyas Totoy na dinala sa Talisay, Batangas malapit sa Taal Lake ang mga nawawalang sabungeros na pinaniniwalaang tinorture at pinatay.