Pag-aaralan pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at US Army kung gagamitin na sa susunod na Salaknib Exercises ang kontrobersyal na Typhon Missile System.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Philippine Army spokesperson Colonel Louie Dema Ala, sinabi nitong tinutukoy na ng mga opisyal ng dalawang bansa ang mga maaaring ipasok na konsepto, kasama ang paggamit ng iba pang weapon system tulad ng Typhon Missile System.
Sa papatapos na Salaknib Exercises, natukoy aniya ng PA ang mga sektor at military capability na kailangan pang linangin.
Maaari aniyang irekomenda ng mga military official ang paggamit ng Typhon System upang mapunan ang anumang makitang pagkukulang sa mga serye ng isinagawang joint army training sa mga nakalipas na taon.
Maliban sa Typhon system aniya, maaari ring ibang rocket o missile system ang gamitin, depende sa magiging pag-aaral at evaluation ng military officials ng bansa.
Sa 2026 iteration ng Salaknib Exercises, posibleng lilipat na sa Visayas ang venue.
Ayon kay Dema Ala, target ng PA na magamit ang lahat ng mga strategic area sa Pilipinas sa ilalim ng naturang military simulation.
Maaari aniyang sa mga susunod na taon ay tutunguhin din ng US at Philippine forces ang Mindanao, salig sa prinsipyo ng Archipelagic Defense Concept ng bansa.