Nagpaliwanag si Tourism Secretary Christina Frasco sa publiko kung bakit siya nasa London, England noong kasagsagan ng bagyong “Tino”, matapos siyang makatanggap ng mga pambabatikos online.
Ayon kay Frasco, opisyal na trabaho ang dahilan ng kanyang pagbisita sa London. Dumating umano siya noong Nobyembre 4 bilang kinatawan ng Philippine Delegation sa World Travel Market, kung saan siya ay lumahok sa Ministerial Summit at pinangunahan ang pagbubukas ng Philippine Stand.
Dagdag pa ng kalihim, agad siyang bumalik sa Pilipinas kinabukasan matapos malaman ang lawak ng pinsalang dulot ng bagyo. Pagdating nila noong Nobyembre 6, dumiretso raw sila sa bayan ng Liloan, Cebu kasama ang kanyang asawa na si Cebu Rep. Duke Frasco at Liloan Mayor Aljew Frasco upang bisitahin ang mga apektadong residente at talakayin ang pamamahagi ng tulong at mga relief operations.
Ang pahayag ni Frasco ay kasunod ng mga tanong at batikos sa social media hinggil sa kinaroroonan ng ilang opisyal ng Cebu habang nananalasa ang Bagyong “Tino.”















