-- Advertisements --

Itinanggi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na kaya tinanggal sa puwesto si dating PNP chief Gen. Nicolas Torre III ay dahil sa hindi pag-apruba nito ng pagbili ng 80,000 na baril para sa mga kapulisan.

Ayon sa DILG na isang kasinungalingan at walang katotohanan ang lumabas na usapin na sinuway nito ang utos ni Interior Secretary Jonvic Remulla.

Ang Kalihim pa mismo ang nag-utos kay Torre na pag-aralang mabuti ang pagbil ng dagdag na armas ng mga kapulisan.

Pinaalalahanan din ng kalihim si Torre na ang nasabing pagbili ay maisasagawa sa pamamagitan ng congressional insertion dahil hindi ito kasama sa National Expenditure Program.

Nilinaw din ng DILG na hindi kailanman nagsagawa si Remulla ng pag-endorso para sa anumang congressional budget insertion.

Sinang-ayunan din ng Kalihim si Torre noong sinabi niyang hindi na kailangan pa ng dagdag na armas.

Magugunitang lumabas ang ulat na kaya sinibak si Torre bilang PNP chief ay dahil sa ibinasura nito ang proposal na pagbili ng dagdag na mga armas para sa kapulisan sa bansa.