LAOAG CITY – Naaresto ng kapulisan ang Top 8 drug personality ng Ilocos Norte sa isinagawang drug buy bust operation sa pamilihang bayan ng Bacarra.

Nakilala ang subject sa operasyon na si Jovencio Matias, 40-anyos, may asawa at residente ng Brgy. 40 Buyon, Bacarra.

Nakabili ang isang pulis na nagpanggap na bumibili ng iligal na druga ng isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu kay Matias sa halagang P1,000.

Narekober pa ng mga otoridad sa posisyon nito ang walong sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, marked money at mga drug paraphernalia.

Ayon sa asawa ni Matias, namamalengke ito habang naiwan ang asawa sa kanilang van at doon isinagawa ng mga otoridad ang operasyon.

Kinumpirma ni Police Chief Master Sergeant Harold Nicolas ng Provincial Drug Enforcement Unit na matagal na nilang minomonitor si Matias.

Sinabi niya na nagooperate ito sa silangan bahagi ng probinsya at may mga source sa nasabing lugar.

Haharap si Matias sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.