-- Advertisements --

Inihayag ng Malacañang na nananatili pa rin ang trust and confidence ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde.

Kung maaalala, lumutang ang pagkakadawit ni Albayalde sa isyu ng ninja cops matapos ang executive session ng Senado kay dating Criminal Investigation and Detection Group chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, bagay na mariing itinatanggi ng PNP chief.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, para kay Pangulong Duterte, hangga’t hindi pa napapatunayang guilty o sangkot sa iligal na gawain ay nananatiling inosente ang isang indibidwal.

Pero sa oras na mapatunayang sangkot nga umano si Albayalde sa gawain ng mga “ninja cops” ay hindi ito palalampasin ni Pangulong Duterte.

Kagabi, nagpulong ang pangulo at PNP chief kung saan iniulat daw ng huli na wala ng ninja cops.

Sa panayam kay Albayalde sa Kampo Krame, ipinauubaya na nila sa Pangulo ang pagsapubliko sa mga pangalan ng mga ninja cops na sangkot sa pagre-recycle ng iligal na droga.

Isinumite na rin ng PNP ang kanilang drug list sa pangulo na iba pa sa listahan ng Philippine Drug Enforcement Agency.

“Of course nabanggit in the sideline pero he said that he will decide in due time. We provided him the names and I also briefed him on the status of these tinatawag nating tagging on ninja cops lagi. That’s one binigyan natin sya ng briefing on the status of our campaign on these scalawags in uniform at saka yung kampanya natin in our cleansing program in the PNP,” pahayag ni Albayalde. (with report from Bombo Analy Soberano)