LEGAZPI CITY – Best effort na umano ang hakbang ng Guinobatan, Albay, para sa mga evacuees na nananatili sa evacuation center mula pa noong Bagyong Tisoy.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Ann Gemma Ongjoco, napag-alamang kahapon ng umaga pa nag-decamp o pinauwi ang aabot sa 1,000 pamilya na inilikas dahil sa Bagyong Ursula subalit hindi pa pinayagang umuwi ang 28 pamilya mula sa Barangay San Francisco at 12 pamilya mula sa Barangay Travesia.

Giit ni Ongjoco, hindi na ligtas bumalik sa kani-kanilang bahay ang mga naturang residente.

Pagbabahagi pa ng alkalde, may lupa nang nakalaan para sa mga ito subalit nangangailangan na lamang ng pondo upang mapagtayuan ng kabahayan.

Wala naman aniyang problema sa relief assistance dahil may ipinamamahagi namang foodpacks.

Kahit hindi magarbo ang pagsalubong sa Kapaskuhan, mas maigi na ito ayon kay Ongjoco kaysa malagay sa peligro ang buhay ng mga residente.