Planong magmosyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa upang kwestiyunin ang hurisdiksyon ng 20th Congress sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pulong balitaan, sinabi ni dela Rosa na tatanungin niya ang Senate 20th Congress kung handa ang mga ito na mapasailalim sa kanila ang mga naging hakbang ng 19th Congress kaugnay sa impeachment complaint kay Duterte.
Paliwanag ng senador, kung nagawang tanungin ng Senate impeachment court ang Kamara ng 20th Congress kung binding sila sa naging aksyon ng 19th Congress ng mababang kapulungan ay dapat makwestyon din ang bagong komposisyon ng Senado kung may hurisdiksyon sila para ituloy ang impeachment trial.
Nilinaw naman ng mambabatas na personal niya itong paniniwala na kailangan ding tanungin ang mataas na kapulungan at umaasa siyang kakatigan ito ng mga kasamang senador sa Duterte bloc.
Hindi naman malinaw kung muling isusulong ni dela Rosa ang pagbasura sa impeachment case ni VP Sara.
Uunahin muna raw niyang i-mosyon o klaruhin ang jurisdiction ng Senate 20th Congress sa impeachment case laban kay VP Sara.
Una nang sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na posibleng magpasya ang Senate impeachment court sa pamamagitan ng simple majority vote kung ibabasura o hindi ang impeachment case laban kay Duterte.
Anumang mosyon aniya na ihain ay dapat pagdesisyunan sa pamamagitan ng simple majority votes.
Posible rin aniyang ma-dismiss ang impeachment case laban kay VP Sara batay lamang sa isinumite na answer ad cautelam ng kampo ni Duterte.
Nang matanong naman si Escudero kung posible bang maibasura ang kaso nang hindi dumaraan sa pormal na paglilitis — at sinagot niya ito ng, “lahat ay posible.”