Nagsalita na si Vice President Sara Duterte kaugnay sa isyu ng umano’y pagbebenta ng bahay ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao.
Sa isang panayam sa Bise Presidente sa The Hague, Netherlands, sinabi niyang maaaring legal na ibenta ng common-law partner ng dating Pangulo na si Honeylet Avanceña ang Davao property ni Duterte sa Doña Luisa Village, Barangay Matina.
Subalit, ang maaari aniyang ibenta ni Avanceña ay ang kaniyang share sa bahay hindi ang buong property dahil binili umano ito noong magkalive-in na sila ng dating Pangulo kayat ang estado ng bahay ay co-ownership.
Kayat nakadepende na aniya sa kaniyang ama at kay Avanceña kung ano ang kanilang arrangement na mapaguusapan hinggil sa naturang usapin.
Subalit bilang anak, sinabi ni VP Sara na ang concern niya ay kung saan titira ang kaniyang ama sakaling ibenta ang bahay.
Sinegundahan naman ni VP Sara ang pahayag ng kaniyang kapatid na si Cong. Paolo Duterte na maaaring manatili ang dating Pangulo sa bahay ng kanilang ina na dating asawa ni Duterte na si Elizabeth Zimmerman.
Sa kasalukuyan, nakadetine sa Scheveningen Prison sa The Hague ang dating Pangulo dahil sa kinakaharap niyang kasong crimes against humanity dahil sa umano’y mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs.