-- Advertisements --

Muling tumanggap ng unmodified opinion mula sa Commission on Audit (COA) ang Office of the Vice President (OVP) para sa Calendar Year 2024, na siyang ikatlong sunod na taon na kinilala ang ahensya sa ilalim ng pamumuno ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte para sa maayos nitong pamamahala sa pondo ng bayan.

Batay sa 2024 Annual Audit Report ng COA, kinumpirma ng mga state auditor na ang financial statements ng OVP ay tumpak, maaasahan, at alinsunod sa umiiral na mga batas, regulasyon, at itinakdang accounting standards.

Ayon sa ulat, umabot sa 85.55% ang utilization rate ng OVP sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA), na indikasyon umano ng maayos na fiscal management sa kabila ng pinalawak na operasyon at lumalaking pangangailangan sa serbisyong publiko.

Ang unmodified o unqualified opinion ay nangangahulugang ang financial reports ay naaayon sa pamantayan ng International Public Sector Accounting Standards (IPSASs) at International Standards of Supreme Audit Institutions (ISSAIs).

Itinuturing itong patunay ng patuloy na pagsunod ng OVP sa mga prinsipyo ng transparency, accountability, at maingat na paggamit ng pondo ng bayan — mga pamantayang binibigyang-diin ng mga state auditor para sa mabuting pamamahala. (report by Bombo Jai )