Malaya si Navotas Rep. Toby Tiangco na maglahad ng mga isyu at magmungkahi ng pagbabago sa mga internal rules ng Kamara de Representantes kasama na ang nakaugaliang paglikha ng “small committee” na inaatasang tumanggap ng mga amyenda sa panukalang national budget.
Ginawa ni House of Representatives spokesperson Atty. Princess Abante ang paglilinaw matapos sabihin ni Tiangco na ang kanyang desisyon na maging independent sa halip na sumali sa majority bloc ay bunsod ng mga kuwestyon sa paggawa ng panukalang national budget gaya ng pagbuo ng small committee na siyang nagpapasok ng mga individual amendment sa General Appropriations Bill.
Kung magdedesisyon si Tiangco na isampa ito sa plenaryo, ang mga miyembro pa rin ng Kamara ang magpapasya sa magiging kahihinatnan nito.
Kamakailan, kinuwestiyon ni Tiangco ang komposisyon at kapangyarihan ng House small committee, isang mekanismong matagal nang ginagamit upang pagsama-samahin ang mga indibidwal na amyenda ng mga mambabatas.
Binanggit din niya ang umano’y sentralisadong kontrol sa ilang social programs gaya ng AKAP at AICS, na aniya ay nararapat busisiin nang mas mabuti.
Pinabulaanan naman ni Abante ang pahayag na ang Office of the Speaker ang may kontrol sa alokasyon ng pondo para sa mga programang nasa ilalim ng mga kagawaran ng gobyerno, at iginiit na hindi ito naaayon sa tunay na proseso ng badyet.
Binigyang-diin ni Abante na ang small committee ay matagal nang ginagamit bilang pamantayang mekanismo sa Kongreso upang mapadali ang pagproseso ng napakaraming mungkahing amyenda sa badyet.
Aniya, mas nauna pa ang paggamit nito kaysa sa kasalukuyang liderato ng Kamara.
Nang tanungin kung may ideya siya kung bakit ngayon lamang inilabas ni Tiangco ang mga isyung ito, sinabi ni Abante na tanging ang kongresista lamang ang makasasagot nito, lalo’t matagal na rin siya sa Kamara.
Muling iginiit ni Abante ang tungkulin ng small committee, na aniya’y limitado lamang sa pagsasama-sama at pagbuo ng report mula sa mga amyendang isinumite ng mga miyembro, na pagkatapos ay idinadaan sa huling deliberasyon.