-- Advertisements --

Iginiit ni Navotas Rep. Toby Tiangco na hindi na dapat pang magtago o umiwas si Ako-Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa isyu na kinasasangkutan nito patungkol sa mga umano’y insertion sa panukalang national budget para sa taong 2025.

Ito ay dahil naniniwala si Tiangco na wala nang matibay na dahilan si Co para manatiling tahimik o iwasan ang paglilinaw sa publiko hinggil sa mga alegasyong ito.

Ang pahayag na ito ni Tiangco ay kasunod ng naging desisyon ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na bawiin ang travel clearance na nauna nang ibinigay kay Co.

Bukod pa rito, ipinag-utos din ni Speaker Dy ang agarang pagpapabalik kay Co sa Pilipinas upang harapin ang isyu.

Binigyang-diin ni Tiangco na ngayon na ang tamang panahon upang ipaliwanag ni Co sa mga mamamayan kung saan eksaktong napunta ang mga pondong pinag-uusapan.

Dagdag pa niya, si Co lamang ang may sapat na kaalaman at makapagbibigay ng konkretong sagot sa mga katanungan na bumabalot sa kontrobersyal na isyu ng small committee insertions sa budget.

Inihayag din ng mambabatas ang kanyang pag-asa na sa pagbabalik ni Co sa bansa, ay maisasapubliko na rin ang mga minutes o opisyal na tala at kumpletong ulat ng kanilang mga naging pagpupulong kaugnay ng budget.