-- Advertisements --

Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi sila maaaring magkansela ng passport nang walang utos mula sa korte.

Ang pahayag ng ahensya ay kasunod ng akusasyon ni Navotas Rep. Toby Tiangco na “nilalawyer” umano ng ahensya si dating congressman Zaldy Co sa pagtangging kanselahin ang kanyang passport.

Ayon sa DFA, pinahihintulutan lamang ang pagkansela ng pasaporte batay sa mga tiyak na dahilan sa ilalim ng New Passport Law tulad ng mga pasaporteng nagagamit sa pandaraya, na-tamper, o naibigay nang may pagkakamali, at kung nahatulan ng Korte ang isang tao bilang pugante.

Binigyang-diin din ng DFA na ang proseso ay nakabatay sa batas at hindi maaaring gamitan ng impluwensya ng isang politiko.

Samantala, iginiit naman ni Rep. Tiangco na may kapangyarihan ang kalihim ng DFA sa ilalim ng Administrative Code na kanselahin ang passport ni Co bilang national security, public safety o public health, kahit pa aniya walang utos ng korte.