Pinahiya ng Denver Nuggets ang Oklahoma City Thunder matapos na idispatsa sa overtime game, 126-125.

Nanguna sa panalo ng Nuggets ang veteran forward na si Paul Millsap na may 36 points at 9 rebounds upang tulungan ang team na umakyat sa 41-35 record.

Mistulang desperado kasi ang Denver na makahabol sa playoffs sa Western Conference lalo na at nasa labas sila ng Top 8.

Todo trabaho rin ang ginawa nina Nikola Jokic na may 23 points at 16 rebounds at si Will Barton ay nagdagdag ng 18 points para sa 2-4 win-loss sa road trip games ng Nuggets.

Samantala nabitin naman sa kanyang triple double performance si Oklahoma City Russell Westbrook na may kabuuang 33 points, 13 assists at nine rebounds.

Minalas pa ang NBA MVP nang bigong maipasok ang sana ay game-winning 3-pointer para sa team sa pagtatapos ng regulation play.

Nasayang din ang diskarte ni Carmelo Anthony na may 23 points.

Ang panibagong kamalasan ng Thunder ay nagdagdag sa kanila ng apat na talo mula sa limang huling mga laro.

Bitbit na ngayon ng team ang 44-33 record kung saan tatangkain ng Thunder na makabangon sa Lunes laban sa Pelicans.

Masusubok naman ang Nuggets sa sinuswerte rin na Bucks.