Ngayon pa lamang nagpatikim na sa kanilang offensive power ang bagong “Big Three” ng Oklahoma City Thunder matapos na idispatsa ang New Orleans, 102-91.

Ito na ang ikalawang talo ng Pelicans sa NBA preseason games habang ang Oklahoma naman ay may 1-1 record.

Nagmistulang debut ang paglalaro ni Russell Westbrook matapos na sumailalim ito sa tinatawag na platelet-rich plasma injection sa kaliwa niyang paa.

Una kasing nakasama ngayon ni Russell ang bagong miyembro ng team na sina Carmelo Anthony at Paul George.

Hanggang sa first quarter lamang naglaro si Westbrook pero umiskor pa rin ito ng 3-of-5 shooting at may four assists.

Kung maalala noong nakaraang season ay nanguna si Westbrook pagdating sa triple double performance upang basagin ang NBA record.

Samantala kumamada naman si George ng 25 points habang si Anthony ay meron ding 9 points.

Ipinagmalaki ni coach Billy Donovan na pinaplatsa pa nila ng husto ang “chemistry” ng tatlo nilang bigating mga players.