Sistematiko na ang proseso ng paghahain ng panukalang batas sa pagbubukas ng 20th Congress sa Hulyo 28.
Kasunod ito ng ginawang draw lots o raffle ng mga senador kung saan nakalatag na ang sunud-sunod na mga pangalan na maghahain ng kanilang pet bills.
Sa unang round, maswerteng nabunot si Senador JV Ejercito para maunang maghain ng kanyang panukalang bills.
Sinundan nina Senators Robinhood Padilla, Pia Cayetano, Ping Lacson, at Joel Villanueva.
Sa ikalawang round naman, naunang nabunot si Senador Joel Villanueva, sinundan nina Senators Erwin Tulfo, Mark Villar, Bam Aquino, Senate President Francis Chiz Escudero at iba pa.
Ayon kay Escudero, ang sistemang raffle ay paglihis sa kaniyang inabutan na ang senate president ang prayoridad sa paghahain ng panukalang batas bago ang mga senior senators.
Ayon sa senador, hindi ang pangulo ng Senado ang priority sa paghahain ng bills dahil wala naman siyang pagkakaiba sa mga kasamahang senador.
Dati ay nag-uunahan ang mga staff ng mga senador sa paghahain ng bills sa tuwing magbubukas ang panibagong Kongreso.
Una nang isusulong ni Escudero sa 20th congress na bigyan ng standby authority ang Department of Finance (DOF) o ang Pangulo upang maibaba ang value added tax sa mga produktong petrolyo sa gitna ng sigalot sa pagitan ng Israel at Iran.
Paliwanag ng senador, ang 12 percent vat bilang percentage-based tax, ay nagdudulot ng mas mataas na kita para sa gobyerno kapag tumataas ang pandaigdigang presyo ng krudo, na lalo namang nagpapabigat sa mga mamimili.
Gayunpaman, dahil sa urgency ng sitwasyon ngayon, hihilingin rin ni Escudero sa Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC na gawin itong priority bill.