-- Advertisements --

Inilabas na ng Commission on Elections (Comelec) ngayong araw ng Biyernes, Oktubre 29, ang tentative list ng mga kandidato para sa national at local elections sa 2022.

Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na maari nang makita ang tentative list ng mga kandidato para sa halalan sa susunod na taon sa kanilang website na comelec.gov.ph.

Hinimok ni Jimenez ang mga napabilang sa naturang listahan na suriin ng husto ang spelling ng kanilang pangalan, at kapag may mapunang kamalian ay kaagad na magsumite ng request para sa corrections.

Sa tentative list ng Comelec, natukoy na mayroong 97 presidential aspirants, 28 vice presidential aspirants, at 174 naman ang senatorial aspirants.

Bukod dito, inilabas na rin ng poll body ang tentative list din ng mga kandidato para naman sa local positions at mga tatakbo sa Kamara.

Ang naturang mga listahan ay ibinase sa initial evaluation ng Certificates of Nomination, Certificates of Candidacy at Certificates of Nomination and Acceptance na ginawa ng poll body.

Nauna nang sinabi ni Jimenez na inaasahang mailalabas ng Comelec ang official list ng mga kandidato sa general elections sa 2022 pagsapit ng Disyembre.