-- Advertisements --

Mariing kinondena ng 30 malalaki at maimpluwesiyang grupo ng mga negosyante sa bansa ang talamak na korupsiyon sa pamahalaan.

Sa isang joint statement na inilabas ng business groups, nanawagan ang mga ito sa corrupt official na itigil na ang katiwalian at maawa sa mga naghihirap na taumbayan.

Iginiit din ng business groups ang pagsasagawa ng isang independent body ng malalimang imbestigasyon para usigin ang mga tiwaling opisyal, ipakulong ang mga ito at bawiin ang kanilang ninakaw na pondo.

Kaugnay nito, ipinanukala ng business groups ang 6-point action plan kabilang ang pagtukoy sa mga guilty sa pakikipagsabwatan sa pagnanakaw mula sa taumbayan, pagsuporta sa mamamayan at voter education campaigns para maging aware ang publiko sa kasamaan ng korupsiyon at iba pang hindi magagandang governance practices, lumikom ng mga ebidensiya ng korupsiyon laban sa mga opisyal sa gobyerno partikular na sa Department of Public Works and Highways, mga lokal na pamahalaan at Commission on Audit at kanilang partners in crime sa pribadong sektor upang masampahan ng kaukulang criminal at civil cases.

Inirekomenda din ng grupo na i-blacklist ang notorious na mga negosyante at kontraktor na nakikipagsabwatan sa tiwaling pulitiko at opisyal, pangunahan ang individual signing ng Integrity Pledge na nangangakong hindi susuhulan ang mga pulitiko o opisyal ng gobyerno kapalit ng pagbibigay ng proyekto o pabor at hinikayat ang financial sector partikular ang mga bangko at Anti-Money Laundering Council na ilantad ang mga money launderers at kanilang hindi maipaliwanag na yaman.

Ginawa ng grupo ang panawagan sa gitna ng anomaliya sa flood control projects ng DPWH na kinasasangkutan ng umano’y ilang mambabatas at kontraktor.

Kabilang sa business organizations na lumagda sa joint statement ang Alliance of Women for Action towards Reform (AWARE), Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan (ANIM), Association of CPAs for Sustainability Inc. (ACPAFSI), Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP), Cebu Business Club (CBC), Cebu Chamber of Commerce and Industry (CCCI), Cebu Leads Foundation (CLF), Chamber of Commerce of the Philippine Islands (CCPI), Connected Women, Employers Confederation of the Philippines (ECOP), Federation of Philippine Industries (FPI), Filipina CEO Circle (FCC), Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX), FinTech Alliance Philippines, Green EDSA Movement (GEM), Iloilo Economic Development Foundation, Inc. (ILED), Institute for Solidarity in Asia (ISA), Institute of Corporate Directors (ICD), Justice Reform Initiative (JRI), Management Association of the Philippines (MAP), Military and Uniformed Personnel for United Philippines (MUP), Nextgen Organization of Women Corporate Directors (NOWCD), People Management Association of the Philippines (PMAP), Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Philippine Exporters Confederation, Inc. (PHILEXPORT), Philippine Institute of Certified Public Accountants (PICPA), Philippine Women’s Economic Network (PHILWEN), Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines Foundation, Inc. (SEIPI), Shareholders’ Association of the Philippines (SHAREPHIL) at Women’s Business Council Philippines (WBCP)