Agad inaprubahan ng 15 senador na dumalo sa sesyon ang Senate Resolution 372 para amyendahan ang Rule XI sa pagsasagawa ng sesyon sa pamamagitan ng teleconference, video conference at iba pang uri ng remote o electronic na pamamaraan.
Matatandaang dati ay inoobliga ang bawat miyembro ng kapulungan na personal na humarap para makasama sa bilang ang kanilang magiging boto sa anumang paksa.
Ang nasabing mungkahi ay bunsod na rin ng nagpapatuloy na problemang hatid ng COVID-19 pandemic, kung saan kinakailangang manatili sa kanilang tahanan ang mamamayan alinsunod na rin sa ipinaiiral na enhance community quarantine.
Nananatili ang ECQ sa Metro Manila at ilan pang apektadong probinsiya hanggang Mayo 15, 2020, habang isinailalim naman ang ilang probinsiya sa general community quarantine (GCQ) na nagsimula nito lamang Mayo 1, 2020
Matatandaang ang buong bansa ay isinailalim sa state of emergency dulot ng COVID-19 noong Marso na magtatagal ng anim na buwan, maliban na lamang kung babawiin na ito ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Pananatiliin din sa Senado ang safety measures para maprotektahan ang integridad ng plenary session at committee hearings, kahit hindi personal na humaharap ang mga mambabatas.