Naglabas ng pahayag si Ethan David, miyembro ng boy group na GAT, kaugnay sa kontrobersyal na video na kumalat sa social media noong Mayo 7, 2025.
Sa nasabing video, kasama niya sina BINI Jhoanna, BINI Colet, BINI Stacey, at professional dancer na si Shawn Castro.
Pinuna ng publiko ang video dahil sa umano’y pagpapatawa ng grupo sa sensitibong isyu ng grooming at sexual abuse.
Sa video, makikitang pumuwesto si Shawn sa likuran ni Ethan at umakting na sinasabunutan ito habang ginagawa ang isang kilos na iniuugnay ng marami sa sekswal na gawain.
Maririnig din sa background ang mga komento nina Stacey at isa pang kaboses ni Colet tungkol sa menor de edad na si “Ashtine,” na siyang naging sentro ng mga batikos.
Dahil sa matinding kritisismo, humingi ng paumanhin ang mga sangkot sa insidente noong Mayo 8. Anila, pribadong sandali lamang ito sa pagitan ng magkakaibigan at wala silang intensyon na gawing biro ang anumang seryosong isyu.
Sa panibagong pahayag ni Ethan, mariin niyang itinanggi ang mga paratang na sangkot siya sa grooming o anumang relasyon sa menor de edad.
Inamin din niyang naapektuhan ang kanyang mental health sa dami ng natanggap na batikos at maling impormasyon online. Giit niya, hindi siya kailanman sang-ayon sa anumang uri ng mapang-abusong gawain.
Patuloy na humihingi ng pang-unawa ang grupo sa publiko habang pinanghahawakan ang kanilang paninindigang walang masamang intensyon ang naturang video.