Kasunod ng tuluyang paglabas ng warrant of arrest laban kay Atty. Harry Roque, kampante si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Major General Nicolas Torre III na matutunton din ang kinaroroonan ng nagtatagong dating kalihim.
Ayon sa batikang heneral, agad na bumuo ang CIDG ng mga tracker team at idineploy upang hanapin si Roque.
Maalalang ang CIDG rin ang naghain ng complaint laban sa dating presidential spokesperson dahil sa umano’y kinalaman niya sa human trafficking activities na kinasasangkutan ng Lucky South 99, ang itinuturong malaking Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa probinsya ng Pampanga.
Nitong nakalipas na araw (May 15) nang maglabas ng warrant ang isang local court sa Angeles City, Pampanga laban kay Roque.
Kasama rin dito si Cassandra Li Ong, at 49 na iba pang indibidwal.
Dalawang buwan bago ang paglabas ng warrant, lumutang si Roque sa The Hague, Netherlands upang tumulong sana sa kaso ni dating Pang. Rodrigo Duterte na kasalukuyang naka-detine sa International Criminal Court.
Kinalaunan, sinabi ni Roque na nag-apply siya ng asylum sa Netherlands dahil sa umano’y political persecution na ginagawa sa kaniya dito sa Pilipinas.