Muling umapela ang defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakataong ito ay para idiskwalipika ang dalawang pre-trial judges ng International Criminal Court (ICC) mula sa pagsasagawa ng desisyon sa hurisdiksiyon ng tribunal sa reklamong crimes against humanity laban sa dating pangulo.
Matatandaan na nauna ng hiniling ng kampo ng dating Pangulo noong Mayo 1 ang partial recusal o bahagyang pagliban nina ICC pre-trial Judges María del Socorro Flores Liera at Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou mula sa proceedings dahil sa umano’y “perceived bias” o posibilidad ng pagkiling, subalit ibinasura ito ng ICC Pre-Trial Chamber noong Mayo 5.
Sa panibagong request na inihain ng defense lawyer ng dating Pangulo na si Nicholas Kaufman sa ICC Presidency, hiniling dito na idsikwalipika ang dalawang ICC judges sa paghatol dahil sa isyu ng hurisdiksiyon.
Base kasi sa Rules of Evidence and Procedure ng ICC, ang ICC Presidency na binubuo ng ICC President, first vice president at second vice president ay ang magpapasya sa mga request para i-excuse o i-diskwalipika ang judges mula sa pag-exercise ng kanilang mga tungkulin.
Subalit dahil si Alapini-Gansou ay tumatayong second vice president ng ICC, sinabi ni Kaufman na dapat siyang madiskwalipika mula sa pagpapasya sa kanilang request.
Nauna naman ng nanindigan si ICC prosecutor Karim Khan na nabigo ang defense team na ipakita kung ano ang kanilang inaakusa na “perceived bias” ng dalawang ICC judges.
Matatandaan na kabilang sina Alapini-Gansou at Flores Liera sa lumagda sa warrant of arrest laban kay dating Pangulong Duterte.