-- Advertisements --

Magkakasa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng tax fraud investigation sa mga kontraktor na sangkot sa maanomaliyang flood control projects na tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa isang statement nitong Martes, Agosto 26, sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na magsasagawa sila ng audit sa tax returns at payments ng naturang mga entity.

Inatasan din ang BIR offices na maigting na bantayan ang mga developments sa imbestigasyon ng Pangulo at magsagawa ng parallel audit sa mga dawit na kontraktor.

Sakali man aniyang may mga kontraktor na underpaid o umiwas sa pagbabayad ng buwis, hindi sila iisyuhan ng bureau ng updated tax clearance at madidiskwalipika ang kontraktor mula sa pakikilahok sa procurements ng gobyerno sa hinaharap at sususpendihin ang kanilang mga kontrata sa pamahalaan.

Ang naturang direktiba ay alinsunod sa Revenue Regulation No. 17-2024 na nagmamandato sa mga kontraktor ng gobyerno na dapat magkaroon muna ng updated tax clearance mula sa BIR bago ang final settlement ng anumang kontrata sa pamahalaan.

Iginiit pa ng opisyal na sisiguraduhin ng BIR na nagbabayad ng tamang buwis ang lahat ng kontraktor sa bansa.

Hindi din aniya katanggap-tanggap na kumikita sila mula sa milyung-milyong pinopondohang buwis ng mga Pilipino at negosyo subalit hindi sila nagbabayad ng tamang buwis.

Pagdating naman sa napaulat na ghost flood control projects, sakaling makumpirmang wala talagang mga proyekto, magiisyu ang BIR ng deficiency tax assessments laban sa mga sangkot na kontraktor.