-- Advertisements --
tanod1

Isinailalim na sa inquest proceedings kaninang umaga ang barangay tanod na nakabaril-patay sa isang lalaki na umano’y lumabag sa curfew hours.

Ayon sa pamunuan ng Manila Police District (MPD), naaresto ang nasabing tanod at nasa kustodiya ito ngayon ng Station 7 ng MPD.

Kasong murder ang kinakaharap ngayon ng barangay tanod.

Nangyari ang insidente sa Barangay 156 sa Maynila noong Sabado ng gabi.

Napag-alaman na hindi lisensiyado ang baril ng suspek at wala itong serial number.

Ipinauubaya na rin ng PNP sa piskalya ang nasabing kaso.

Batay sa nakuhang CCTV footage, nakita ang tanod na nakilalang si Cesar Panlaqui na sinasaway ang isang lalaki na tila na nagbabanta at may dalang wooden stick.

Dito nakitang ni-load ni Panlaqui ang kaniyang armas pinuntahan ang biktima at binaril.

Nabatid na ang lalaking nabaril ng tanod ay may sakit sa pag-iisip batay na rin sa isinagawang imbestigasyon ng Manila Police District.

Isinailalim na sa ballistic investigation ang nakumpiskang armas sa suspek.

Mahigpit naman ang bilin ng pamunuan ng PNP sa mga pulis at force multipliers na pairalin ang maximum tolerance at siguraduhin na walang tanod ang magbitbit ng armas.

Sa ngayon walang inaaresto ang PNP tinitiketan lamang nila at binibigyan ng warning o di kaya pinagmumulta.

Magugunita na nuong buwan ng Mayo, isang indibidwal na may diperensiya din sa pag-iisip ang binaril-patay ng isang pulis habang isinanasagawa ang raid sa isang sabong.

Sinundan ito ng pagkamatay din ng isang curfew violator sa Laguna na umanoy binugbog ng barangay tanod.

Nuong nakaraang taon isang retiradong sundalo na nakilalang si Winston Ragos, na mayroong post-traumatic stress disorder, ay binaril din ng pulis sa isang quarantine checkpoint sa Quezon City.