Nananatiling isa sa dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino ang sakit na diabetes.
Ayon sa Department of Health (DOH), base sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong nakalipas na taon, pang-lima ang sakit na diabetes na sanhi ng mortality sa bansa.
Ang madalas at labis na pagkain at pag-inom ng matatamis ang ilan sa dahilan ng pagkakaroon ng naturang sakit.
Nagreresulta naman ang mga ito ng mga komplikasyon gaya ng atake sa puso at stroke, pagkabulag o problema sa paningin gayundin ang pagkaputol ng paa o bahagi ng katawan at kidney failure.
Para maiwasan naman ang komplikasyon ng sakit, regular na magpa-glucose testing, iwasan ang matataba, matatamis, mamantika at maalat na pagkain, mag-ehersisyo ng 30 minuto hanggang isang oras kada araw at iwasan ang paninigarilyo, vape at pag-inom ng alak.
Ipinayo din ng DOH na bantayan ang blood sugar at komonsulta sa health center.
Ginawa ng DOH ang paalalang ito kasabay ng pag-obserba ng Diabetes Awareness Week.