KALIBO, Aklan—Nakahinga ng malalim at bahagyang nabawasan ang takot na naramdaman ng maraming kababayan natin sa bansang Thailand at Cambodia matapos na nagkasundo sa isang tigil-putukan ang dalawang bansa na nagsimula, Hulyo 28, 2025, dakong alas-8:00 ng gabi, oras sa Pilipinas.
Sa interview kay Bombo International News Correspondent Sammy Renton, pinuno ng isang Filipino organization sa Bangkok, Thailand na gumaan ang kanilang pakiramdam at nabawasan ang takot na naramdaman sa kanilang dibdib para sa kanilang kaligtasan ang naging anunsyo ni Malaysia Prime Minister Anwar Ibrahim na nagkasundo ang nasabing mga bansa sa tigil-putukan sa sagupaan na nangyari sa kanilang border.
Ang Malaysia Prime Minister ay isa sa mga pumagitna sa pag-negotiate sa magkabilang kampo upang magkaroon ng tigil-putukan kung saan, ang naganap na sagupaan ay kumitil ng ilang katao at libo-libong mamamayan naman ang inilikas.
Lubos aniya ang kanilang pasasalamat sa mga concern country leader na gumawa ng paraan upang makapulong sina Cambodian Prime Minister Hun Manet at acting Thai Prime Minister Phumtham Wechayachai sa Malaysia upang tuldukan ang sagupaan sa border ng dalawang bansa nagdulot sa pagkasawi ng hindi bababa sa 35 katao at mahigit sa 270,000 ang napilitang lumikas para sa kanilang kaligtasan at seguridad.
Samantala, nakaabang sila ngayon sa nakatakdang pag-uusap ng mga military commander sa mga susunod na araw upang matiyak ang pagpapatupad ng kasunduan.
Ang nasabing desisyon ay tinawag pa ng mga opisyal na paunang hakbang papunta sa kapayapaan upang matapos na ang gulo na umabot pa sa mga lugar ng Sisaket sa Thailand at Oddar Meanchey sa Cambodia.