-- Advertisements --

Pormal nang inanunsyo nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Dr. Willie Ong ang kanilang pagtakbo sa pagka-pangulo at bise presidente sa 2022 elections.

Ginawa ito ni Moreno sa itinayong Basecommunity housing units ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila para sa mga indigent na pamilya.

Sa kanyang talumpati, ipinatikim ni Moreno ang kanyang plataporma na sumentro sa pagbangon ng bansa sa kalbaryong idinulot ng COVID-19 pandemic, pagtugon sa samu’t saring issue sa kalusugan at health care system, pag-ahon sa kahirapan at maayos na pamamalakad sa pamahalaan.

Ibinida rin niya ang kanyang mga achievements bilang alkalde ng Maynila, partikular na ang mga hakbang na kanilang ginawa sa gitna ng COVID-19 crisis.

Kasabay nito ay pinatutsadahan naman niya ang mga kakulngan ng gobyerno sa pagtugon sa problemang dulot ng pandemya.

-- Advertisement --

Iginiit ni Moreno na lahat ng mga sinasabi niya ay kanyang ginagawa, patunay na ang mga “prototypes” na kanyang nasimulan bilang alkalde ng lungsod.

Ipinagmalaki rin niya na siya ay laki sa hirap at iginapang ang sarili para marating ang kanyang katayuan sa ngayon.

Kapag siya ang manalo, sinabi ni Moreno na ipapatupad niya ang “open governance policy” para magkaroon ang bansa ng “better policies and improved services.”

Dagdag pa ni Moreno, siya raw ay magiging “healing president” sapagkat bukas siyang tanggapin ang anumang kritisismo.

Samantala, inamin naman ni Ong na wala sa plano niya ang pagtakbo sa 2022 elections, pero nabago aniya ito dahil sa pagnanais ni Moreno na mabigyan ng wastong serbisyo ang publiko mula sa gobyerno.

Hindi rin niya nakikitang kalaban ang mga katunggali niya sa posisyon na kanyang tatakbuhan, kundi ang COVID-19 lamang.

Ipinapangako naman nito na ibibigay niya sa mga Pilipino ang “best vaccine” laban sa COVID-19.