-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Patay ang driver ng isang SUV matapos mahulog sa under construction na tulay sa Sitio Hagakhak, Brgy. Baybay, Makato, Aklan, dakong ala-12:55 ng madaling araw.

Agad namang dumating ang mga pulis at rescuers ng MDRRMO-Makato at PDRRMO-Aklan sa lugar, subalit dakong alas-3:00 na nang madaling araw naiahon ang biktima saka isinugod sa Aklan Provincial Hospital na idineklarang dead-on-arrival ng attending physician dulot ng pagkalunod.

Ayon kay P/Capt. Vincent Kenneth Mercader, hepe ng Makato Municipal Police Station, naging pahirapan ang pagkuha sa katawan ng driver sa loob ng sasakyan dahil may kalaliman ang tubig sa ilog at may kataasan ang tulay na katumbas ng dalawang palapag na gusali.

Sa ulat, dakong alas-12:55 ng madaling araw nang makarinig ang mga residente malapit sa lugar ng malakas na kalabog at ng tingnan nakita ang isang Toyota Fortuner na lumagpak ng patihaya sa ilog.

Pansamantalang hindi muna isinawalat ang pagkakakilanlan ng driver.

Inaalam pa sa ngayong kung saan nanggaling ang driver at bakit pumasok ito sa ginagawang tulay sa kabila ng mga nakalagay na early warning device na inararo ng SUV.

Sinasabing co-owner ang construction company ng pamilya Discaya sa ginagawang tulay.

Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente.