Tiniyak ng suspendidong is Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag na makikipag-participate ito sa preliminary investigation sa kinahaharap nitong reklamo kaugnay ng pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid.
Ang pagdinig ay itinakda sa Nobyembre 23 dakong alas-9:00 ng umaga at ang susunod na pagdinig at isasagawa naman sa Disyembre 5 base sa naging kumpirmasyon ni Prosecutor General Benedicto Malcontento.
Pero ayon kay Bantag, hindi pa naman daw nila natatanggap ang subpoena laban sa kanya na inilabas ng Department of Justice (DoJ).
Aniya, mayroon naman umanong nakatira sa dati nitong address sa Caloocan pero hini niya alam kung bakit hindi ito natanggap ng kanyang kamag-anak.
Posible raw kasing wala sa bahay ang kanyang mismong bayaw nang ihatid ang naturang subpoena.
Para kay Bantag, nais daw niyang personal na dumalo sa pagdinig pero ikinokonsidera rin niya ang advice ng kanyang mga abogado.
Ang subpoena laban kay Bantag ay sinasabing deemed served dahil ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) lamang ang nagbigay ng address ni Bantag sa Caloocan.
Reklamong pagpatay ang inihain laban kay Bantag, BuCor Senior Superintendent Ricardo Zulueta at iba pang mga personalidad dahil sa pagpaslang kay Lapid at umano’y pagpaslang sa middleman at New Bilibid Prison inmate na si Cristito Villamor Palaña o Jun Villamor.
Pero mariin namang itinatanggi ni Bantag ang kanyang pagkakasangkot sa krimen.
Una nang sinabi ni Justice spokesperson Mico Clavano na nasa 11 respondents pa sa kaso ang kailangang padalhan ng subpoena kaugnay ng Lapid case.