Napatay ng mga kapulisan ang suspek na nasa likod nang pagpatay sa mag-asawang senior citizens sa Quezon City.

Ayon sa mga otoridad, kagagaling lamang nila sa inquest proceeding kasama ang suspek na si Carl Joseph Alarin Bañanola, 37, dakong alas-6:40, Miyerkules ng gabi.

Pagdating aniya nila sa Kalayaan Avenue malapit sa Quezon City Hall ay hiniling ni Bañanola sa mga pulis na escort na luwagan ang pagkakaposas sa kaniya dahil nasasaktan ito.

Matapos na luwagan ni Staff Sgt. Alex Icban ang posas nito ay bigla na lamang itong nang-agaw daw ng baril.

Napuruhan ang suspek nang barilin ng pulis.

Dinala pa ito sa pagamutan subalit idineklara ng mga doctor na dead on arrival na ito.

Ang suspek ay siyang nasa likod nang pagnanakaw at pananaksak hanggang sa mapatay ang mag-asawang sina Nicolas Austria at Leonora Austria sa Novaliches, Quezon City noong Linggo ng hapon.