-- Advertisements --

Inaasahan ang surge ng mga pasaherong bibiyahe matapos ang holidays simula bukas, Sabado, Enero 3,2026.

Kaugnay nito, kapwa pinaghahandaan na ng Philippine Coast Guard at Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang pagtaas ng land at sea travels.

Ayon kay PCG spokesperson Captain Noemie Cayabyab, inaasahan ng ahensiya na papalo sa halos anim na milyong pasahero sa kabuuan ang dadaan sa mga pantalan sa buong bansa. Mas mataas ito kumpara sa limang milyong naitala noong nakalipas na taon.

Inaasahan aniyang magtatagal ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan hanggang sa araw ng Linggo, kung saan inaasahang dadagsa ang nasa 500,000 hanggang 750,000 pasahero sa mga pantalan.

Iniulat naman ng PCG official na walang napaulat na stranded na pasahero bagamat nakahanda naman aniya silang magbigay ng libreng sakay sakaling hindi sapat ang mga bumibiyaheng barko .

Binigyang diin naman ni Capt. Cayabyab na patuloy na istriktong ipinagbabawal ang overloading sa mga commercial passenger vessels.

Sa panig naman ng LTFRB, inilagay na sa heightened alert ang kanilang personnela kasabay ng pagbabalik ng milyun-milyong komyuter sa mga siyudad matapos ang selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon.

Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza, naatasan ang mga kompaniya ng bus at iba pang mga pampublikong sasakyan na tiyakin ang roadworthiness ng kanilang mga sasakyan bago bumiyahe upang maiwasan ang anumang aksidente sa kalsada.

Inatasan din ang lahat ng regional directors na agad tugunan ang mga reklamo ng mga komyuter laban sa “snobbish” taxi drivers na nagkakansela ng mga biyahe dahil sa masamang lagay ng panahon, mahabang biyahe at ang mga naniningil ng labis na pamasahe.

Hinihimok din ang mga pasahero na isumbong ang mga paglabag ng LTFRB hotline (0956-761-0739).