-- Advertisements --

Tiniyak ng Malacanang na nakatutok si Pangulong Rodrigo Duterte sa sitwasyon ng bansa sa gitna ng pananalasa ng Super Typhoon Rolly.

Pahayag ito ni Presidential spokesperson Harry Roque sa typhoon briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council headquarters sa Camp Aguinaldo sa Quezon City kaninang umaga, kung saan may mga naghanap sa presensiya ni Digong.

Ayon kay Roque, nasa Davao City ang pangulo at sa darating pa na Martes nakatakdang bumalik sa Metro Manila.

Gayunman, ang pangulo aniya ang nag-utos na isagawa ang press briefing kung saan kasama ang lahat ng kalihim na nangunguna sa mga ahensya na magbibigay ng tulong.

“Nagmomonitor ang ating Presidente. Bagama’t mahirap magbiyahe ngayon dahil sa panahon ng COVID (Coronavirus Disease), minomonitor ‘yan ng President. At ang desisyon kung siya ay makakaikot, Presidente ang gagawa niyan,” ani Roque.

Ilan pa sa mga opisyal ng gobyerno na kabilang sa dalawang oras na briefing kanina ay sina Quezon province Governor Danilo Suarez at Albay Governor Al Francis Bichara.