-- Advertisements --

Kinumpirma ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) na bumagsak ang isang Super Huey helicopter ngayong araw sa paligid ng Loreto, Agusan del Sur habang patungo sa Tactical Operations Group (TOG) 10 sa Butuan City.

Ang naturang sasakyang panghimpapawid ay nakatalaga para sa Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) mission bilang suporta sa mga relief operation kaugnay ng Bagyong TINO.

Patuloy ang isinasagawang rescue at recovery operations sa lugar, katuwang ang mga lokal na emergency response teams.

Nanawagan ang EastMinCom sa publiko ng pang-unawa, panalangin, at pakikiisa habang nagpapatuloy ang paghahanap sa mga crew ng nasabing helicopter.

Samantala, kinumpirma rin ng Philippine Air Force (PAF) na isa sa kanilang Super Huey helicopters ang nasangkot sa insidente malapit sa kampo ng 60th Infantry Battalion sa Agusan del Sur.

Bahagi ito ng grupo ng apat na helicopters na lumipad mula Davao patungong Butuan upang magsagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) mission.

Nawala ang komunikasyon sa naturang helicopter, dahilan upang agad na magsagawa ng Search and Rescue (SAR) operation.

Isinasagawa na ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng aksidente.

Ayon sa PAF, nakatuon ang lahat ng kanilang pagsisikap sa SAR operations at nananalangin para sa kaligtasan ng mga piloto at crew na sakay ng bumagsak na helicopter.

Magbibigay sila ng karagdagang impormasyon sa sandaling ito ay makumpirma.