-- Advertisements --

Kinumpirma ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority na magpapadala ito ng malinis ng inuming tubig sa mga residenteng hinagupit ng bagyong Tino at Uwan kamakailan.

Sa isang pahayag, sinabi ni MMDA Chairperson Atty. Don Artes na ito ay alinsunod sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr na tulungan ang mga naapektuhang komunidad.

Kaugnay nito ay ipinadala ng MMDA ang dalawang Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) team sa Aurora at Negros, dala ang mga solar powered water purification unit.

Ang bawat team ay may 10 tauhan mula sa Public Safety Division at Road Emergency Group.

Kayang linisin ng isang mobile water purifying machine ang 180 galon ng tubig kada oras para sa mga residente.

Sinabi naman ng MMDA na mananatili ang grupo sa dalawang probinsya sa loob ng 10 araw.