BUTUAN CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa bayan ng Sibagat, Agusan del Sur upang makilala at matukoy ang motibo ng isang lalaki na nang-hostage ng dalawang pasahero sa loob ng isang bus ng Bachelor Express Incorporated kahapon bandang alas-12:42 ng madaling-araw, Disyembre a-25, sa Purok 2, Barangay Poblacion.
Batay sa pa-unang imbestigasyon, nagmula ang bus sa Davao City at patungong Butuan City at pagdating nito sa Bayugan Cit, Agusan del Sur, sumakay ang lalaking nakasuot ng t-shirt at short pants at nagbanta sa mga pasahero kung kaya’t agad na nagsumbong ang konduktor ng bus sa mga pulis nang huminto ang sasakyan malapit sa istasyon.
Nang mapansin ng suspek ang presensya ng mga pulis, hinawakan niya ang dalawang pasahero at ginawang hostage, habang ang iba pang pasahero ay agad na bumaba ng bus.
Mahigit isang oras ang ginawang negosasyon upang sumuko ang suspek, subalit nagbanta ito na sasaksakin niya ang mga pasahero kapag lalapit ang mga pulis.
Pinaputukan ng mga pulis ang suspek nang tangkain niyang saksakin ang isa sa mga pasahero, na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
















