BUTUAN CITY – Sinimulan na kahapon, Martes, sa Bayugan City, Agusan del Sur, ng Department of Education (DepEd) Central Office ang coordination meeting para sa 2026 Palarong Pambansa na gaganapin sa nasabing lalawigan at pinangunahan nina Undersecretaries Malcolm Garma at Peter Irving Ervin Corvera kasama ang Palarong Pambansa Secretariat na pinamumunuan ni Director Marivic Tolito, habang sina Governor Santiago Cane at DepEd Caraga Regional Director Maria Ines Asuncion ang nagsilbing chair.
Kabilang sa mga isinagawa ang pagbibigay ng gabay at teknikal na tulong sa iba’t ibang komite ng palaro, gayundin ang pagsasagawa ng site inspections sa mga key venues tulad ng Salvacion Evacuation Center, Bayugan Central Elementary School, at Agusan del Sur College, pati na rin ang patuloy na konstruksyon ng Datu Lipus Makapandong D.O. Plaza Sports Complex sa Brgy. Patin-ay, bayan ng Prosperidad.
Ipinakita rin ang kalagayan ng mga atletang nagsasanay sa swimming center, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng maayos na paghahanda at kaligtasan.
Natapos ang araw sa pamamagitan ng isang welcome dinner na pinangunahan ni Governor Cane, na nagpatibay sa ugnayan ng DepEd at ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang isang organisado at matagumpay na Palarong Pambansa.
















