GENERAL SANTOS CITY – Patay ang isang sundalo na makikipagkita sana sa kanyang ka-textmate matapos pinagbabaril sa ulo at kanyang tiyan.

Kinilala ni Major Ananias Vasquez, hepe ng Makar Police Station ang biktima na si Pfc. Ivan de Arce nadestino sa 1002nd Brigade, Pulutana, Malandag, Malungon, Sarangani at residente ng Sarangani, Davao Occidental.

Dagdag ni Vasquez na nagpaalam umano sa kanyang mga kasama ang biktima para makipag-eye ball sa kanyang textmate subalit ng dumating ng Purok Millionaires village, Labangal sa lungsod isang babae at isang lalaki ang tumambad at bigla na lamang binaril ang sundalo na ikinamatay nito.

Nagduda si Major Vasquez na ang babae ay ang ka-textmate ng biktima.

Kagaad namang sumakay sa nakaabang na motorsiklo ang dalawa at umalis ng lugar.

Nalaman ang pamamaril matapos mag-report sa Makar Police Station si Rock Sirag ang purok chairman at sinabi na pasado alas-8:00 ng gabi may binaril-patay sa kanilang lugar kaya’t nirespondehan ng pulisya.