ILOILO CITY – Sugatan ang tatlong senior high school students sa lungsod ng Iloilo matapos umanong hinampas sa ulo ng kanilang trainer sa kasagsagan ng ensayo para sa Iloilo Dinagyang Festival 2020.
Ang mga biktima ay kinilalang sina alyas Toto, Nonoy at Tata, pawang estudyante ng Jaro National High School.
Ang trainer naman ay nagngangalang Totchie Vergara, assistant choreographer at limang taon nang nagtuturo sa Tribu Salognon na dating nagkampeon sa Dinagyang Festival.
Ayon kay Toto, nakasanayan na ni Vergara na manakit ng mga tribe dancers sa tuwing magagalit ito.
Kaagad namang rumesponde ang Women and Children Protection Desks ng Jaro Police Station kasunod ng insidente.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Dr. Belinda Dinopol, principal ng Jaro National High School, sinabi nito na maging siya ang nagulat sa ginawang pananakit ni Vergara sa mga estudyante.
Naniniwala si Dinopol na pressured lang si Vergara na pagandahin ang kanilang performance para sa Dinagyang Festival na gaganaping ngayong buwan kaya nagawa niyang manakit ng estudyante gamit ang mikropono.
Ipapatawag naman ng eskuwelahan ang mga estudyante at si Vergara upang maliwanagan sa isyu.