Mariing pinasinungalingan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang walang basehang claims ng People’s Republic of China kaugnay sa insidente malapit sa Bajo de Masinloc (BDM) noong Hunyo 15, 2025.
Sa inisyung statement ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela sa X (formerly Twitter), iginiit ng opisyal na lehitimong nagsagawa ng maritime patrol ang barko ng PCG na BRP Teresa Magbanua sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas gaya ng nakapaloob sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award para maprotektahan ang mga mangingisdang Pilipino at igiit ang sovereign rights ng ating bansa sa bahaging ito ng WPS.
Sa katunayan aniya, ang China Coast Guard vessels ang nagooperate ng iligal sa nasabing mga katubigan, agresibong hinaharangan ang ruta sa paglalayag sa pamamagitan ng mabilis at mapanganib na pagdaan malapit sa mga barko ng PH sa pagtatangkang takutin at i-harass ang mga lulang personnel.
Inihayag din ni Comm. Tarriela na ang bullying tactics ng China Coast Guard ay bahagi ng paulit-ulit na ginagawang coercion habang nanghihimasok sa EEZ ng PH kung saan nilalagay nito sa panganib ang kaligtasan sa paglalayag at lumalabag sa maritime jurisdiction ng bansa.
Ginawa ng PCG official ang pahayag bilang tugon sa ulat ng Global times, na isang Chinese tabloid, na ibinahagi din ni Comm. Tarriela, kung saan nakasaad sa ulat na sinadya umanong i-provoke ng BRP Teresa Magbanua ang CCG vessel 21550 at 5009 malapit sa BDM na tinatawag ng China bilang Huangyan Dao at paulit-ulit umanong nagsagawa ng high-speed crossing sa likurang bahagi ng kanilang barko sa malapit na distansiya na nasa 100 metro lamang.
Sa kabila naman ng panibagong walang basehang naratibo ng China, nananatili ang dedikasyon ng PCG para protektahan ang soberaniya at mga karapatan ng PH sa WPS nang hindi gumagamit ng agresyon at ipagpapatuloy ang pagdokumento at pagsisiwalat sa buong mundo sa mga ginagawang paglabag ng mga barko ng China sa naturang karagatan.