-- Advertisements --

Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na epektibo na ang P50 na umento sa arawang sahod ng mga empleyado sa Metro Manila ngayong Biyernes, Hulyo 18.

Ito ay sa bisa ng Wage Order No. NCR-26 na nagtataas sa minimum wage sa P695 kada araw para sa non-agriculture sector habang P658 naman para sa mga manggagawa sa agriculture, retail-service at malilit na manufacturing establishments.

Sa pagtaya ng National Wages and Productivity Commission, inaasahang makakadagdag ng P1,300 kada buwan ang umento sa sahod para sa mga nagtratrabaho ng anim na araw sa loob ng isang linggo.

Matatandaan, tinaasan ang minimum wage sa rehiyon matapos mabigo ang Kongreso na ipasa ang legislated wage increase, subalit sa pagpasok ng 20th Congress, ilang mambabatas na ang muling naghain para sa inihihirit na legislated wage hike.