-- Advertisements --

Siniguro ng Philippine Ports Authority (PPA) ang kaligtasan ng mga pasaherong na-stranded sa mga pantalan sa gitna ng kanselasyon ng maraming biyahe ng mga passenger vessel.

Ayon kay PPA Spox Eunice Samonte, may mga nakatalagang guwardiya ang bawat pantalan na silang magpapanatili sa kaayusan at kaligtasan ng bawat pasahero.

Regular din aniyang nagbabantay at nagsasagawa ng inspection ang mga port police, kasama ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard.

Ayon pa kay Samonte kalakip ng pagpapanatili sa kaayusan ay ang pagbibigay din ng sapat na pagkain sa mga stranded na pasahero.

Nauna na rin aniyang naglaan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng sapat na food packs para sa ipamahagi sa mga pasahero.

Samantala, marami sa mga pwerto na unang nakapagtala ng mga stranded na pasahero ay mula sa Visayas at Mindanao, ang mga rehiyon na nakaranas ng mabibigat na pag-ulang dala ng hanging habagat.

Maging sa Southern Luzon area tulad ng Bicol Region at Mimaropa Region ay ilan ding na-stranded simula ngayong araw.

Ayon pa rin kay Samonte, magpapatuloy na bukas ang bawat terminal building para magkanlong sa mga pasaherong bigong makabalik o makauwi habang naghihintay ng resumption ng mga biyahe.