Nagpadala ang state weather bureau ng mga weather specialist sa lalawigan ng Aurora bago pa man nag-landfall ang Bagyong Uwan sa bayan ng Dinalungan kagabi, Nobiyembre 9.
Ayon sa ahensya, layunin ng kanilang mga eksperto na palakasin ang obserbasyon at pagsubaybay sa lagay ng panahon sa pamamagitan ng on-site measurements bago, habang, at pagkatapos ng landfall ng bagyo.
Saad ng weather bureau, susukatin at idodokumento ng storm chasers ang aktwal na kondisyon ng panahon at makita ng real time kung paano lumalakas ang bagyo.
Pagkatapos dumaan ng Typhoon Uwan, magsasagawa rin sila ng damage assessment upang matukoy ang pinsala mula sa malalakas na hangin, storm surge, at pagbaha, hakbang na makatutulong para sa mas tumpak na forecast at mas mahusay na paghahanda sa mga susunod na kalamidad.
Dumating ang mga weather specialist sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Aurora noong Sabado.
















