Pumanaw na ang tinaguriang sprint queen na si Lydia de Vega sa edad na 57-anyos.
Kinumpirma ito ng anak na si Stephanie Mercado-de Koenigswarter sa kaniyang social media nitong Agosto 10 habang naka-confine sa Makati Medical Center.
“On behalf of our family, it is with absolute grief that I announce the death of my mother, Lydia De Vega this evening, August 10, 2022, at the Makati Medical Center. She fought the very good fight and is now at peace. Wake details will be announced very soon but for now, I would wholeheartedly appreciate your prayers for the soul of my mother. Maraming salamat po!”
Taong 2018 ng ma-diagnose siya ng breast cancer at nitong nakalipas na buwan ng Hulyo ay naging kritikal ang kondisyon kaya nagpa-confine sa pagamutan.
Tinaguriang isa sa pinakamagaling na atleta sa bansa si De Vega na nagwagi ng siyam na gintong medalya sa Southeast Asian games at Asian Games.
Ang dating track queen ay nagkamit rin ng apat na gold medals sa Asian Athletics Championships, dalawa noong 1983 at dalawa noong 1987 at dalawang Asian Games gold medals noong 1982 at 1986.
Dalawang beses din itong lumahok sa Olympics noong 1984 at 1988.
Matapos ang tagumpay ni Lydia sa huling dalawang SEA Games medals noong 1993 ay nagretiro na ito sa sports sa edad na 30-anyos kung saan huling sabak nito ay sa Manila-Fujian Games.
Mayroong best records siya na 11.28 seconds sa 100 meters na isang national record sa loob ng 33 taon.
Nabasag lamang ang record na ito ni Kristina Knott noong 2019 SEA Games sa Pilipinas.
Huling nakita sa publiko si De Vega noong 2019 SEA Games na ginanap sa bansa kung saan kasama nito ang iba pang sports legend sa opening ng torneyo at send off sa mga atleta.
Magugunitang mula ng ianunsiyo ng anak ang ukol sa kalagayan ng ina nito noong Hulyo 20 ay bumuhos ang tulong pinansiyal mula sa gobyerno, PCSO, POC at maging kay pole vaulter EJ Obiena.