-- Advertisements --

Bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na mailapit ang serbisyo sa mga mamamayan, mas pinaigting pa ng Land Transportation Office – (Bicol) ang kanilang mga aktibidad sa pamamahagi ng plaka at mga outreach program sa iba’t ibang sulok ng rehiyon.

Ang mga hakbang na ito ay naglalayong mapabilis at gawing mas accessible ang mga serbisyo ng ahensya sa publiko.

Kahapon ay nagsagawa ang LTO Pamplona District Office ng tuloy-tuloy na pamamahagi ng mga plaka sa Hobo National High School na matatagpuan sa Minalabac, Camarines Sur, at gayundin sa mismong tanggapan ng LTO.

Ang inisyatibong ito ay naglalayong maabot ang mas maraming indibidwal at matiyak na matatanggap nila ang kanilang mga plaka sa lalong madaling panahon.

Bukod pa rito, ang LTO Pili Extension Office ay nakipagkaisa rin sa pamamahagi ng mga plaka ng motorsiklo sa mga pribadong may-ari na naninirahan sa Barangay Curry at Barangay Sto. Niño, sa bayan ng Pili.

Kaugnay nito, ang LTO Irosin at ang lokal na pamahalaan ng Juban, Sorsogon ay nagkaisa para sa isang pinagsamang operasyon na tinawag na “Oplan Plaka Check,” kung saan nagsagawa sila ng inspeksyon sa mga sasakyan sa mga kalsada at nagpamahagi rin ng mga plaka sa Juban Municipal Hall na layong tiyakin na ang lahat ng mga sasakyan ay may mga tamang plaka at upang magbigay ng pagkakataon sa mga residente na makuha ang kanilang mga plaka.

Ayon sa LTO Bicol, ang lahat ng mga aktibidad na ito ay bahagi ng pangako ng national govemrnent sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas mapabilis at mailapit ang mga serbisyo publiko sa mga mamamayang Pilipino.